Noynoy Aquino’s Speech at Liberal Party Convention

TRANSCRIPT OF SENATOR NOYNOY AQUINO’S SPEECH AT THE MEETING OF THE LIBERAL PARTY’S NATIONAL EXECUTIVE COUNCIL
November 16, 2009
Balay, Expo Centro, Cubao Quezon City

Nais ko pong pasalamatan ang aking mga kapwa Liberal dahil sa inyong pagsuporta sa amin ni Mar. Tinuturing ko pong isang napakalaking karangalan ang inyong mainit na pagtanggap sa amin ng akin pong partner. At siguro po, talagang napakasarap marinig ang inyong suporta dahil ito po ay nanggagaling sa mga Liberal, na noon at ngayon, talaga naman pong marangal.

Sa panahon ng kampanyahan at eleksyon, mayroon po kayang hihigit pa sa ipinakita sa ating halimbawa ni Mar Roxas, na kayang-kayang isantabi ang personal na ambisyon para sa ikabubuti ng nakakarami; patunay na nagsisilbi sa nakakarami, parati.

Sana po ikinararangal na rin po natin, lalo na po ng ating bagong mga kasama, na sa pagiging bahagi ng Partido Liberal, mula ng ito ay binuo ni Pangulong Manuel Roxas noong 1946, marami na po tayong pinagdaanan. Marami na rin tayong tagumpay na nakamit. Ang mga karanasang ito ang nagpatibay ng ating pundasyon at paninindigang labanan ang anumang hadlang sa ating kalayaan.

Sa darating na halalan, masusubukan ng lubusan ang pundasyon ng Partido Liberal. Maaga pa lamang ay naglalabasan na ang mga batikos na kathang isip lang naman ng atin pong mga kalaban. Maaga pa lang ay mabusisi na ang mga plano nila sa kanilang mga paninira. Hindi nila maiangat ang kanilang mga sarili; ang solusyon, ipababa ang kanilang mga katunggali.

Ang pwersa ng Partido Liberal ay hindi matatalo ng anumang kasinungalingan. Ang pwersa na binubuo ng magigiting, masisipag at matatapat na pinuno ay hindi basta na lamang mabubuwag ng sinumang animo’y tapat na naglilingkod sa bayan ngunit gahaman naman pala talaga. Lalabanan natin ang kasinungalingan sa pamamagitan ng ating pananalig sa katotohanan.

Bibigyan ko kayo ng isang halimbawa. Itong mga kalaban natin, gumawa ng isang survey, gumawa ng isang kuwentong kutsero. Awa ng Diyos sila na rin po ang sumira sa kanilang kuwentong kutsero. Sabi po nila bumababa na raw ang ating lamang. Ang masakit nito, sa unang survey nilang ginawa sa isang organisasyon, hindi tayo nilagay, wala tayo sa listahan. Sa pangalawang listahan nilang ginawa, susunod na buwan, inilagay tayo sa gitna para kunyari ay talagang nag-survey sila. Nu’ng pangatlong survey nila nangibabaw na tayo, ang headline nilang inilabas, bumababa na raw ang lamang natin.

Nu’ng ako po’y nag-aaral, kapag ikaw ay nasa gitna, panlima o pang-apat, hindi ka nangunguna. Kung ikaw naman ay nanguna sa susunod, ang ibig sabihin nu’n, umangat ka, hindi ka bumaba. Kaya maraming salamat sa inyo, sinabi na nila ang katotohanan.

Aaminin ko po sa inyo, naaawa ako sa kanila. Dahil kapag nagsinungaling ka, kailangan mo ng pangalawa para suportahan ang una. Pangatlo para suportahan ang pangalawang kasinungalingan. At ang haba-haba na po ng kanilang pagsisinungaling, pati sila nahilo na. Dahil mahal po natin lahat, pati na rin sila: Sa panahong handa na silang bumalik sa landas ng tama, yayakapin po natin, dahil sila po ay Pilipinong naligaw lamang.

Talagang hindi natin matatapatan ang yaman ng ating mga katunggali. Kapag tinanong, anong kakayahan mo? “Mayaman ako,” ang sagot niya. Pero tayo naman po ay nananalig sa isang Diyos na nagsasabing gawin natin ang tama; ang kakulangan natin, Siya na po ang magpupuno.

Mula ngayon, hanggang sa araw ng eleksyon, lalo na pagkatapos nating nahalal na, importante pong tayo lalo ay magtulungan, magpakatatag, magkasunduan, para naman mapairal natin ang tunay na diwa ng demokrasya—na nagkakaloob ng kalayaan, pagkain, serbisyong pangkalusugan, edukasyon, trabaho, at lalung-lalo na, pantay-pantay na pagkakataon para sa lahat, at hindi sa iisa o iilan lamang.

Panahon na upang bigyang katuparan ang pagbabago sa tulong ng bawat isa. Ang laban na tapat ay magiging laban ng lahat. Maraming, maraming salamat po.

##

5 Responses so far »

  1. 1

    tita reyes said,

    HINDI KAMI NATITINAG SA MGA PANINIRA NG MGA KALABAN SA POLITIKA NI NOYNOY BASTA KAY NOYNOY TAU ,D2 SA HONGKONG NOYNOY-MAR SOLID KAMI

  2. 2

    Amada Santos DeGuzman said,

    I believe you will succeed in your quest for the presidency. I am a Fil-Am retiree and will vote again after 42 years. My prayers were answered when you declare your candidacy for when asked if I will vote my answer was ; when a legitimate candidate comes up! Mabuhay kayo ni Mar!

  3. 3

    kasabihan nga “pag ang puno daw ng mangga ay hitik sa bunga madalas itong batuhin”, ganun c noynoy kc marami siyang magagawa sa bayan na ikabubunga ng magagandang bagay para sa nakakarami at hindi lang sa kamag-anakan at malalapit sa palayok kaya siya pinupukol ng kung anong mga paninira…pero wag siyang mag alala dahil matatalino na ang mga tao ngayon khit na mahihirap…basta diretso lang ang lakad at walang atrasan tuloy ang Laban…para sa magandang kinabukasn…kilos na bayan…

  4. 4

    obelle said,

    Sadyang masalimuot nga ang ating mundo, san ka man humarap na meron taong magaling at nakikita ng marami na nararapat lamang iluklok ay sadyang sinisiraan. Ngunit sa kagaya ni Noy na may matibay ng pundasyon – FAITH of God – ano man batong ihagis ay hindi ka matitinag. “Crab mentality” ng Pinoy ang sadyang nakakalungkot na kaugalian, ngunit sana matapos ang eleksyon 2010, ano man partido ka, TAYONG LAHAT AY PILIPINO, at ang bawat isa ay dapat na nagkakaisa para sa ikakaunlad ng bawat mamamayang Pilipino. Huwag ka po magpapatianod sa nagsusulputan isyu, ang Pinoy, ay hindi na pinanganak noon, ang mga PINOY ngayon ay sadya ng kinalilinangan ng talino at pinagtibay na ng nagdaang panahon. Natuto na TAYO sa mga nakaraan, at hindi na muling magpapabulag pa sa kasinungalingan at kurapsyon ng maraming nagnanais yakapin muli ang kapangyarihan ng gobyerno. SA’YO ang BOTO ko Noy! Maging Presidente ka sana ng ubod ng disente at puno ng katotohanan, kagyat mong pawiin ang pangit na imahe ng Philippine Gov’t. Iakyat mo muli ang buhay ng bawat isa sa atin. Katulong mo ang bawat Pilipino… Manalig ka po Mr. Aquino, pagkat ang mabubuti ay pinapanigan ng Maykapal. ^_^

    matanong ko lamang po kayo Mr. Noy Aquino, kapag naluklok na po kayo, ANO ANG UUNAHIN NYO GAWIN PARA SA ATIN BAYAN?

    Ika nga, ang unang hakbang ang siyang magsisilbing PUNDASYON ng ISANG bata nagaaral pa lamang maglakad. Sa unang hakbang na ito’y laking tuwa ng kanyang magulang. Nawa’y ang UNANG HAKBANG na inyo pong tatahakin ay magbigay saya at kapanatagan sa bawat Pinoy lalo na ng mga maralita.

  5. 5

    lhaine said,

    Tunay ngang hindi k nag-iisa !
    — maraming pilipino ang umaagapay sa’yo. ang tanging hangad lang namin ay mabura at mabago ang BANGUNGOT na ginawa ng mga nakaraan. ituloy mo ang laban at sa TAMANG landas BUMAGTAS.🙂


Comment RSS · TrackBack URI

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: